Tatlong Villanelle Para sa Mga Supíl
SUPÍL MAN NG MGA DI-TIYAK
Supíl man ng mga di-tiyak
Wala mang sinta at sinaing
Babangon pa rin at gagayak.
Bubuhatin ang mga yabag
Walang daíng na sasambitin
Supíl man ng mga di-tiyak.
Ang araw ba'y maglalagablab?
O delubyo ang paparating?
Babangon pa rin at gagayak.
Sasabit sa palpak na oras.
Ang pag-asa ay sisiksikin.
Supíl man ng mga di-tiyak.
Ang iuuwi kaya'y sapat?
Baka ngayon na patalsikin?
Babangon pa rin at gagayak.
Para kanino ang ulirat?
Hanggang kelan hindi bibitiw?
Supíl man ng mga di-tiyak,
Babangon pa rin at gagayak.
SA IYONG KAPAGURAN
Oo nga't supíl na supíl ka ng pagod.
Sa umaga'y yagyag, sa pag-uwi'y gapang.
Heto't nanghahalina ang aking hagod.
Diwa'y lutang at lupasay ang gulugod.
Espiritu'y laylay at pagá ang paypay.
Oo nga't supíl na supíl ka ng pagod.
Halika na't dumapá. Hubdin ang saplot.
Hayaang humayahay sa aking kamay.
Heto't nanghahalina ang aking hagod.
Oo, ika'y pigá. Ako na'ng kakayod.
Nais mo ba'y madiin o katamtaman?
Oo nga't supíl na supíl ka ng pagod.
Hayaang pag-ibig ko ang ipanghilot.
Lábi ang panghaplos, dibdib ang pangdantay.
Heto't nanghahalina ang aking hagod.
Oo nga't ang mundo ay nakaka-upos.
Heto't naghihintay ang aking kandungan.
Oo nga't supíl na supíl ka ng pagod.
Heto't nanghahalina ang aking hagod.
MARAHIL, HINDI MO AKO MASASAKTAN
Marahil, hindi mo ako masasaktan.
Hindi mo kailangang magpaumanhin
Kung ang isip mo'y supíl ng kahapisan.
Inilikha kita ng ligtas na bahay
Sa aking loob. Hindi man bisitahin,
Marahil, hindi mo ako masasaktan.
May mga sigaw na 'di napakawalan
May luhang sa gilid ng mata'y nabítin
Kung ang isip mo'y supíl ng kahapisan.
Kung hindi matanggap ang iniaalay
Na pag-aaruga, kanlungan at lambing,
Marahil, hindi mo ako masasaktan.
Ang puso'y di napipiit sa kulungan.
May laya ka pa ring sundin ang naisin
Kung ang isip mo'y supíl ng kahapisan.
May naknak din akong walang malagusan.
Buksan ma't hindi ang damdamin sa akin,
Marahil, hindi mo ako masasaktan,
Kung ang isip mo'y supíl ng kahapisan.
Lahok sa Saranggola Blog Awards 12
Comments
Post a Comment